Nagbigay ng advice ang TV host na si Kim Atienza sa mga kapwa magulang kung paano mag-deal sa mental health ng kanilang mga anak.
Sa isang interview, ibinahagi ni Kim na na-diagnose ang kanyang yumaong anak na si Emman ng bipolar disorder.
‘KAPAG NAKITAAN NIYO ANG ANAK NIYO NA MAY SYMPTOMS, PANIWALAAN NIYO’
— Pilipino Star Ngayon Digital (@psngayondigital) November 4, 2025
Ito ang naging payo ng TV host na si Kim Atienza sa mga magulang patungkol sa usapin ng mental health ng mga anak. pic.twitter.com/FxuH48Jnz5
“Pinadala namin agad [si Emman] sa professional. Pinatingin namin, at na-diagnose kaagad na mayroon siyang bipolar disorder, post-traumatic stress disorder (PTSD), and many others,” pagbabahagi niya.
“Ang pagiging bipolar kasi like Emman, ano ‘yan eh, merong manic happiness, sobrang saya. Matakot kayo pagka sobrang saya, dahil ang kabaliktaran niyan pag bipolar ka ay sobrang depressed,” wika pa nito.
Matatandaan na pumanaw si Emman noong October 22, 2025.
Sa kabilang banda, payo naman ni Kim sa mga magulang, maging maagap sa mga symptoms na ipinapakita ng kanilang mga anak.
“Ang mga problema sa mental health ay tunay. Kadalasan, akala natin, umaarte lang mga anak natin. Kapag nakitaan niyo ang anak niyo na may symptoms, paniwalaan niyo,” saad niya.
“Maaring nag-eexpress kadalasan ang anak natin at akala natin, ‘Ang arte niyo. Nung panahon namin, malalakas kami, pinapalo lang kami, okay na kami.’ Iba sila ngayon,” wika niya.
Paalala pa ni Kim, totoo ang mental illnesses at nakamamatay ang mga ito.
“Ilagay natin ang ating sarili du’n sa kanilang lugar at dapat malaman natin na ang mental health ay talagang seryoso, at ang sakit sa utak ay nakamamatay,” dagdag pa niya.