Nilinaw ng content creator at entrepreneur na si Josh Mojica na hindi umano siya nag-claim bilang isang bilyonaryo.
Ito ay matapos mag-react si dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa isang Facebook post mula sa fan page ni Mojica.
“21 years old ‘bilyonaryo na,’ ikaw?” saad sa Facebook post ng fan page ni Mojica.
“Akala ko ang youngest billionaire ay may-ari ng Mang Inasal? Ba’t nag-ca-claim itong si Kangkong? Bureau of Internal Revenue Philippines, paki-check nga ang taxes ng tao na ‘yan,” wika naman ni Guanzon.
Sa isang Facebook video na ini-upload ni Mojica nitong August 23, nilinaw ni Mojica na “maliit” pa siyang business owner at hindi pa matatawag na bilyonaryo.
“Una sa lahat, let’s be clear. I have never claimed to be a billlionaire. Maliit pa po tayo masyado para diyan,” pahayag ni Mojica.
Dagdag pa niya, lahat umano ng kanyang ginagawa sa negosyo ay “legal” at “transparent.”
“Pangalawa, I’ve always been diligent and compliant in running my business because everything I do is legal, transparent, and focus on growth,” saad niya.
“Ako ay isang bente anyos na negosyante lamang na pinipilit makaabante at gumawa ng makabuluhan sa larangan ng negosyo,” pagpapatuloy pa niya.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Mojica na nalulungkot siya sa mga nagpapakalat ng fake news.
“At mas masakit pa dito, nakakalungkot, na pati isa sa pinakamatataas na lider ng ating lipunan, isang napakagaling na abogado, at dating commissioner ng isa sa pinakamalaking ahensya ng gobyerno ay naniniwala at nagpapakalat po ng fake news,” wika niya.
“Kung ‘yung mga ganyang kalalaking tao ay napapaniwala, paano na lang ’yung mga normal na tao na walang oras para mag-fact check kung ano ang totoo sa hindi? Madali silang malilinlang,” pagpapatuloy pa nito.
Ayon kay Mojica, isa lamang siya umanong batang CEO.
“Kaya gusto ko lang ipaalala na isang batang CEO lang ako, a dreamer, a doer, a builder. Hindi pa po ako bilyonaryo, but I’m on my way,” saad niya.
“Bilyonaryo o hindi ipa-check natin kung tama ang pagbabayad ng tax,” hirit naman ni Guanzon.
Kilala sii Mojica bilang CEO ng Kangkong Chips Original.