Nagpahayag ng kanyang opinyon ang batikang aktor na si John Arcilla patungkol sa mga celebrities na pumapasok sa field ng politics.
Sa kanyang panayam sa programa na Fast Talk with Boy Abunda, napag-usapan nila ang patungkol sa sinasabi ng mga netizens na wala umanong “karapatan” na tumakbo sa public office ang mga artista.
‘ANG TANONG, BAKIT KA NANDYAN AT PUPUNTA SA PULITIKA? PARA BA TALAGA MAGLINGKOD O PARA YUMAMAN?’
— Pilipino Star Ngayon Digital (@psngayondigital) November 27, 2024
Ito ang inihayag ng aktor na si John Arcilla matapos mapag-usapan sa isang panayam ang patungkol sa pagpasok ng mga artista sa larangan ng pulitika. pic.twitter.com/BcFjjrefCw
“Lahat ng tao ay may karapatan na tumakbo sa pulitika at maging opisyal. Ke artista ka o hindi ka artista,” wika ni John.
“Ang tanong, bakit ka nandyan at pupunta sa pulitika? Para ba talaga maglingkod o para yumaman? Dahil wala kang pinagkakakitaan?” dagdag pa niya.
“Ke artista ka o hindi, tanungin mo ang sarili mo… Kasi kung para lang yan sa pera, mali kaagad,” dagdag pa niya,” pahayag pa ng aktor.
Ayon sa kanya, ang pagiging public official ay may kalakip na responsibility na maglingkod sa kapwa.
“Kasi ang pulitika, o ang pagiging opisyal ng bayan, ay para maglingkod. Pag yumaman ka daw na nasa pulitika ka at nasa gobyerno, hindi ka naglilingkod,” saad niya.
“So ke artista ka o hindi ka artista, lalo na kung artista ka na ganun nga ang sinasabi sayo, mas i-define mo sa sarili mo kung totoo bang paglilingkod ang iyong gustong mangyari, kung bakit ka nandyan. Kung hindi rin lang, wag mo nang ituloy,” wika pa nito.
Kasabay nito, natanong din si John kung mayroong nag-invite sa kanya na tumakbo para sa public office.
“Nakarating ako sa edad na ito na tinanggihan ko lahat ng invitation sa akin. Nakatanggap ako [ng invitation]. Tatakbo pa nga dapat ako ng konsehal sa Parañaque eh,” kwento niya.
“Na-save ako du’n sa crisis ng desisyon ko na yon dahil naawa lang ako du’n sa nagpipilit sakin na congressman na sumama ako. Buti na lang, meron akong program du’n sa TV na hindi ako pala pwede mag-campaign habang ako’y nasa telebisyon,” pagbabahagi niya.
“Eh na-take na yon. Hindi na pwedeng burahin yung mga eksena ko, at pag binura yun, sira yung buong kwento. So I was saved by that particular incident. I was so thankful kasi talagang ayoko ng pulitika,” lahad pa nito.