Nanawagan ang aktres na si Bianca Umali sa pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na maglagay ng temporary chairs para sa mga pasaherong naghihintay ng kanilang flight.
Sa isang Instagram story ni Bianca nitong Linggo, October 19, makikita ang ilang mga pasahero na tila nakaupo sa sahig habang naghihintay.
‘SANA AY MAKAPAGLAGAY MAN LANG NG MGA TEMPORARY CHAIRS’
— Pilipino Star Ngayon Digital (@psngayondigital) October 20, 2025
Ganito ang naging panawagan ng aktres na si Bianca Umali sa pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. pic.twitter.com/YWRGK4hnxe
Ayon kay Bianca, naiintindihan niya ang mga pagbabago na ginawa sa airport upang magbigay daan sa renovation.
“With all due respect po, we understand that our airports are currently under construction — as you’ve said, ‘we are building a better NAlA for you.’ Dahil dito, naiintindihan po namin na maraming kagamitan at upuan ang pansamantalang inalis upang magbigay-daan sa mas maayos na konstruksyon,” pahayag nito sa kanyang Instagram story.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng aktres na nararapat lamang na magkaroon ng mga temporary chairs para sa mga pasahero.
“Ngunit nakikiusap lang po… Kung maaari po sana ay makapaglagay man lang ng mga temporary chairs o kahit simpleng upuan para sa mga pasaherong naghihintay ng kanilang flights. Lalo na po para sa ating mga nanay, lola, at mga batang kababayan na bumabyahe,“ saad niya.
“Para naman po sana, kahit sa gitna ng pagbabago, ay hindi na po nila kailangang umupo sa sahig habang naghihintay,” dagdag pa ng aktres.
Matatandaan na kasalukuyang under rehabilitation ang NAIA Terminal 3 matapos lagdaan ang public-private partnership (PPP) modernization agreement noong 2024.