BY MAE MERCADO
Last August nang nang mag-post ang Kapamilya actress na si Angelica Panganiban ng isang tweet patungkol sa kanyang credit card na ginagamit diumano ng kung sino.
“May gumagamit ng credit card ko sa Pampanga. Malapit na siya umabot sa 500k. Walang magawa mga tao. Ba’t d kyo mag-ipon para sa sarili niyo? Ba’t kayo magnanakaw?”
Agad na ini-report ni Angelica ang pangyayari at nadiskubre sa investigation ng NBI (National Bureau of Investigation), na halos P5,000 na raw ang nai-charge sa nasabing credit card.
Tinangka rin daw itong gamitin sa mas malaking transaksyon sa isang casino sa halagang P500,000.
Kinilala ang suspek sa pangalang Agatha Reyes at nahuli ito sa tulong ng isang establishment na pinaggamitan ng suspect ng credit card.
“We asked our artist to do a cartographic sketch. When we verified, may nakuha tayong warrant of arrest, at nung nakuha natin yung subject pagdating dito, umamin naman siya,” ayon kay Ronald Aguto, hepe ng NBI – International Operations Division.
Agad na inaresto ang suspek at umaming marami raw ang gumagawa nito. Ayon sa NBI, nakukuha raw ang mga credit card na ito sa mga courier, ito raw ang mga renewal card na nagagawan nila ng paraan para ma-activate, at hinala raw nila, may sabwatang nagaganap sa pagitan ng mga courier at ng bangko.
Nakakulong na ngayon si Reyes dahil sa kasong credit card fraud, bukod pa rito ang sa panibagong kaso na haharapin niya sa paggamit ng credit card ni Angelica.
Kasalukuyan na ring pinaghahanap ang kanyang mga kasabwat. Samantala, wala pang binibigay na reaksyon si Angelica tungkol dito.