Jeepney driver forced to sleep on the streets of Cubao due to high fuel costs

-

Ibinahagi ng jeepney driver na si Tatay Hapon na mahigit isang buwan na siyang natutulog sa kalsada matapos niyang mapilitang tumigil sa pamamasada dahil sa mataas na presyo ng langis.

“Sa Cubao… Du’n sa may EDSA. Sa may overpass [ako natutulog],” pagbabahagi ni Tatay Hapon sa noontime variety show na It’s Showtime.

Kwento niya, nagbabayad na lamang siya ng P30 upang makagamit ng banyo para maligo.

Ayon sa kanya, upang magkaroon siya ng pera pangkain, tumutulong siya na magbitbit ng mga gamit ng mga pasahero na galing probinsya.

“Sa madaling araw, merong mga galing probinsya, minsan ’yung bitbit nila mabigat, tinutulungan ko. Kung bigyan ako o hindi, salamat. Basta makatulong ako,” wika niya.

Pagbabahagi ni Tatay Hapon, ayaw niya rin umanong umuwi ng probinsya dahil nahihiya siya sa kanyang mga asawa’t anak.

“Gusto ko sanang umuwi [ng Bicol], kaso nahihiya ako sa anak [saka] asawa ko. Nahihiya ako kasi wala akong [mabibigay]. Ang dala ko, ito pa rin, ‘yung dalawang kamay ko pa rin,” pahayag niya.

“’Yung anak ko, first year college na rin, kaso lang [nahinto sa pag-aaral], saad niya.

Matapos marinig ang sitwasyon ni Tatay Hapon, nanawagan naman ang host na si Vice Ganda sa mga nasa gobyerno.

“Sana lang nanood ang gobyerno. Marami pong ganitong Pilipino ngayon, nawalan ng trabaho dahil sa taas ng presyo ng gasolina. Lalong-lalo na ’yung mga driver. Sila ang unang-una tinamaan ng krisis na ito… ’Di na makapasada. Ang tanong, ano pong plano niyo sa kanila?” wika ni Vice.

“Bata pa lang naman tayo, tumataas na ang gasolina ’di ba. Alam naman nating mangyayari at mangyayari ‘yan. Kaya dapat ’yung pamahalaan, bago pa mangyari ’yan, nag-iisip na kayo kung anong gagawin niyo pag nangyari ’yan. Hindi ’yung pag nangyari ’yan, taranta kayo, nakanganga, tapos wala kayong magagawa sa mga naghihirap na mamamayan,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, nagpahayag naman si Vice ng kanyang pagnanais na tumulong kay Tatay Hapon.

“Kung gusto mong umuwi [ng probinsya], mag-usap tayo, bibigyan kita ng pamasahe at konting puhunan… At ’yung anak mo, nag-aaral… college na, nahinto siya, pag-usapan natin ’yan para makapagpatuloy sa pag-aaral ang anak mo, ha,” saad niya.

Regine Caldona
Regine Caldona
Regine Caldona is a chronically-online content producer. She loves vibing to feel good K-pop songs.

Latest

YOU MAY LIKE