Inihain ni Senator Kiko Pangilinan sa Senado ang Anti Ticket-Scalping Act na naglalayong protektahan ang mga concertgoers laban sa malalaking patong sa mga tickets na binebenta online.
Ayon kay Pangilinan, nagpapahirap umano ang ticket scalping sa mga nagnanais manood ng mga concerts, laban, at mga plays dahil sa malalaking patong sa presyo ng mga tickets.
“Hindi dapat pinagkakakitaan ang kasabikan ng fans,” pahayag ni Pangilinan.
Hindi dapat pinagkakakitaan ang kasabikan ng fans. 🛑🎟️
— Kiko Pangilinan (@kikopangilinan) July 9, 2025
Labis-labis ang patong. Biglaang pagkaubos ng tickets. Bentahan sa madilim na sulok ng internet. Ito ang epekto ng ticket scalping—na matagal nang nagpapahirap sa mga gustong makapanood ng concerts, laban, o plays.… pic.twitter.com/4mdw3Qjeeb
Sa ilalim ng panukalang batas na ito, ipagbabawal na ang pagbenta ng tickets sa mga event na may nasa 10% na patong sa presyo nang walang pahintulot ng mga organizers.
Kasabay nito, ipagbabawal din ang pagbebenta ng ticket na walang nakasaad na presyo, pagbebenta sa hindi awtorisadong platform, pagtulong o pakikipagsabwatan, at pagtangkang magsagawa ng scalping.
Maliban dito, aatasan din ang mga ticket entities na maglagay ng babala lapan sa scalping sa kanilang mga websites at sa concert venue. Inaatasan din silang magpatupad ng mga internal policies at reporting mechanisms upang labanan ang scalping.
Kapag naisatupad ang panukalang batas na ito, maari nang magsampa ng reklamo ang DOJ, DTI, DILG, at iba pang law enforcement agencies sa mga mahuhuli nilang lalabag sa batas.
Magkakaroon din ng kaukulang parusa sa kung sinoman ang mahuhuli na lumabag sa Anti-Ticket Scalping Act.
“Hindi dapat nabibili sa sobrang mahal ang saya ng panonood. Panahon nang tapusin ang mapagsamantalang bentahan ng tickets,” saad pa ni Pangilinan.