Ibinahagi ng Kapuso Big Winner na si Caprice Cayetano na idodonate niya ang napanalunan niyang P1 million cash prize sa mga bata na mayroong critical illness at sa mga miyembro ng deaf community.
Sa isang ulat ng PUSH ABS-CBN, sinabi ni Caprice na idodonate niya ang cash prize sa Little Ark Foundation.
Ang Little Ark Foundation ay isang non-profit organization sa Quezon City na tumutulong sa mga batang mayroong sakit na cancer, thalassemia, at iba pang critical illnesses.
“Gusto ko po talagang mag-donate hindi lang po sa mga bata kundi sa mga deaf community din po,” wika ni Caprice.
Ayon sa kanya, nais niya umanong ma-experience ng mga bata ang magkaroon ng normal na childhood.
“Sa mga bata po, gusto ko po na.. Minsan lang po kasi maging bata so gusto ko pa magkaroon sila ng normal na childhood,” saad niya.
“Gusto ko po na ma-enjoy po nila yung childhood nila at maranasan po nila maging normal na bata na walang sakit,” dagdag pa nito.
Dagdag pa ni Caprice, bago pa man siya pumasok ng Pinoy Big Brother house ay naiisip niya nang mag-donate kung sakali na siya’y magiging Big Winner.
“Original plan ko na po talaga na i-share po talaga ‘yung makukuha ko kung sakaling mananalo ako sa PBB. Kahit before entering po, ‘yun po talaga iniisip ko na ‘yun po ‘yung gagawin kung sakali na maging Big Winner,” pahayag niya.
Matatandaan na hinirang si Caprice bilang Kapuso Big Winner sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition Season 2.0.