Ipinag-utos ni Transportation Secretary Vince Dizon ang perpetual revocation o habambuhay na pagkansela sa lisensya ng isang motorista matapos nitong mag-counterflow sa Skyway.
Sa isang Facebook post ng Department of Transportation (DOTr) nitong Sabado, makikita sa isang closed-circuit television (CCTV) clip na kuha bandang alas-tres ng madaling araw ang isang sasakyan na sinasalubong ang ibang mga motorista sa opposite lane ng naturang express lane.
“Sa kuha ng CCTV bandang 3:32am kanina, kitang-kita ang pagsalubong ng pasaway na driver sa mga sasakyan sa opposite lane ng Skyway,” saad ng DOTr.
Sa isang statement, sinabi ni Dizon na kanya nang ipinag-utos ang permanenteng pagkansela sa driver’s license ng naturang motorista dahil inilagay aniya nito sa peligro ang buhay ng ibang motorista na binabaybay ang Skyway.
“Hindi pu-puwede na suspendido lang ang lisensiya ng driver na ito dahil kitang kita naman sa CCTV footage na inilagay niya sa peligro ang buhay ng mga driver ng kasalubong niyang sasakyan,” saad ni Dizon.
Bukod sa CCTV footage, ipinakita rin ng DOTr and litrato ng lisensya ng naturang driver na nakilalang si Jake Nazareno. Ayon naman sa ticket na ini-upload ng DOTr, “driving against the flow of traffic” ang naging violation ng naturang driver matapos nitong mahuli sa southbound lane ng Skyway.
“Ipinag-utos ko na i-revoke na nang tuluyan ang driver’s license ng pasaway na driver na ito nang hindi na pamarisan ang reckless driving niya,” dagdag pa ng kalihim.
Samantala, hinikayat din ni Dizon ang publiko na i-report sa DOTr ang mga katulad na insidente upang mabilis nila itong maaksyunan.