Ilang tulog na lang at magpapalit na ang taon pero parang kabi-kabila pa rin ang events ng ABS-CBN. Hindi mo iisiping kinakabahan o nagpa-panic sila sa kabila ng mga sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na haharangin niya ang franchise renewal ng network.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa ang mga ipinasang bill sa parehong chambers ng Congress para ma-renew ang ABS-CBN franchise ng 25 years, na nakatakdang mag-expire sa March 25, 2020.
Kung sabagay, ayon naman sa isang source ay nadagdagan ang kabuuang bilang ng mga panukala sa House of Representatives upang ma-renew ang prangkisa ng network matapos maghain sina Rep. Rufus Rodriguez at Rep. Josephine Ramirez-Sato ng dalawang bagong panukala.
Inihain diumano ni Rep. Rodriguez mula sa ikalawang distrito ng Cagayan de Oro ang House Bill 5705, habang si Rep. Ramirez-Sato naman mula sa Occidental Mindoro ay inihain ang House Bill 5753 na parehong itinutulak na maipagpatuloy ng ABS-CBN ang operasyon nito.
Bago ito, sinabi ng isang reliable source, na pito pang mga panukala ang nauna nang inihain ng 11 mambabatas sa kongreso, kabilang na ang House Bill 676 nina Rep. Micaela Violago, Rep. John Marvin Nieto at Rep. Joey Salceda; House Bill 3064 ni Rep. Jericho Nograles; House Bill 3521 ni Rep. Baby Arenas; House Bill 3713 ni Rep. Joy Tambunting; House Bill 3947 ni Rep. Sol Aragones; House Bill 4305 ni Rep. Vilma Santos-Recto at House Bill 5608 ni Rep. Aurelio Gonzales Jr., Rep. Johnny Pimentel at Rep. Doy Leachon.
Kabilang din diumano sa nagsusulong na mabigyan ng bagong lisensya ang Kapamilya network ang asawa ni Rep. Vilma Santos-Recto na si Sen. Ralph Recto.
Ayon sa isang report, sinabi ni Vilma, na lumabas sa mga pelikula ng Star Cinema tulad ng “Anak” at “In My Life,” na napagsisilbihan ng ABS-CBN ang maraming Pilipino sa paghahatid sa kanila ng mga palabas saan man sulok sa bansa habang si Sen. Ralph naman, itinuturo ang ambag ng network sa lipunan mula sa pagbabayad ng buwis, pagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipino, at iba-iba nitong proyektong naghahatid ng serbisyo publiko.
Maski si Senate President Tito Sotto, na dati ring naging Kapamilya noong nasa channel 2 pa ang “Eat Bulaga,” ay naniniwalang may sapat pang oras para dinggin ang franchise renewal application nito. Kaya hindi raw dapat mabahala ang mga tagapagtangkilik at mga empleyado nito.
Nang maka-chika rin namin recently si Rep. Alfred Vargas at matanong sa issue. Umaasa ang batang kongresista na magiging maayos din ang lahat dahil maraming maaapektuhan kapag hindi ma-renew ang naturang franchise. “Syempre para sa akin eh marami pa ring trabaho ang nabibigay ng network and sana maayos. And then kasi naman ang concern ko maraming mawawalan ng trabaho and sana kung ano man ‘yung problema, sana ano man ang mangyari eh maayos pa rin in the end,” sabi pa ng actor / politician na may hang over pa sa pagkakahirang bilang isa sa sampung TOYM (Ten Outstanding Young Men) for Public Service.
Halos ganito rin ang pananaw ni Sen. Lito Lapid nang hingan siya ng reaksyon hinggil sa posibilidad na ipasara ng gobyerno ang network nang mag pa-thanksgiving siya selected entertainment press. “Kawawa naman. Huwag naman, marami ang mawawalan ng trabaho. Basta, magdasal na lang tayo. Sana, walang mawawalan ng trabaho.”
Nabuhay ang career ni Sen. Lapid sa Ang Probinsyano ni Coco Martin.
Maging ang mga artista ay umaasa na magiging maayos ang 2020 nila sa magaganap na franchise renewal na nagbibigay sa kanila ng hanapbuhay.
Kamakailan ay kumatok si Yeng Constantino sa puso ni Pangulong Duterte. “I don’t know what’s right and wrong for you, and why it has come to this, but sir, I wish you would consider other artists who are working in this industry, like us, knocking at your heart[‘s door], hoping you won’t cut off our source of income.”
Ipinangako naman ni House Speaker Alan Cayetano na magiging patas ang House of Representatives kapag nagsagawa na ng mga pagdinig sa susunod na taon.
Usap-usapan sa showbiz ngayon kung ano ang magiging kapalaran ng mga artista at mga ordinaryong manggagawa kung tuluyang ipasara ang network.
Kamakailan lang, nag-trending ang #NoToABSCBNShutdown dahil na rin sa mga tagasuporta ng Kapamilya network.
Samantala, may ilang mga pangalang lumulutang sakaling hindi na umano bigyan ng prangkisa ang Kapamilya network.
May nagsasabing baka mapunta ang mga programa nito sa TV5. Nababanggit din ang pangalan ni dating senador na si Manny Villar, ng negosyanteng si Dennis Uy at si Mr. Vic del Rosario ng Viva Group of Companies.