P-pop rise!
Isa na namang milestone ang nakamit ng mga P-pop groups na BINI at SB19 matapos silang ma-nominate para sa International Group/Duo of the Year category sa SEC Awards 2026 sa Brazil.
Kasamang na-nominate ng BINI at SB19 para sa naturang category ang mga kilalang K-pop groups tulad ng Katseye, BTS, Blackpink, Le Sserafim, at Monsta X. Kasama rin dito ang Japanese boy group na BE:FIRST.
Ito ang kauna-unahang beses na na-nominate ang BINI sa SEC Awards. Sa kabilang banda, taon-taon naman nanonominate ang SB19 sa nasabing award show.
Ang SEC Awards ay isang major Brazilian award show kung saan kinikilala ang mga nag-eexcel sa larangan ng musika, pelikula, television, at internet culture.
Samantala, magsisimula naman ang voting para sa mga nominees sa April 24. Maaring bumoto ang mga fans sa SEC Awards official website.
Matatandaan na kamakailan lamang ay gumawa ng history ang BINI bilang kauna-unahang P-pop girl group na nag-perform sa Coachella music festival sa Indio, California.
Sa naturang music festival, itinanghal ng BINI sa Mojave stage ang kanilang mga hit songs na “Pantropiko,” “Salamin, Salamin,” “Karera” at iba pa. Maliban sa mga tagalog songs, nag-perform din ang BINI ng ilang mga english songs tulad na lamang ng “Blink Twice,” “Zero Pressure,” “Blush,” at iba pa.
Samantala, tuloy-tuloy din ang pag-rise ng SB19 sa international scene. Sa katunayan, nakatakda silang mag-perform sa Summer Sonic sa Japan sa Agosto. Sila ang kauna-unahang P-pop group na magpeperform sa nasabing music festival.
Maliban sa Summer Sonic, nakatakda ring mag-perform ang SB19 sa Lollapalooza music festival sa Grant Park, Chicago, United States sa July.