Nagtayo ng ‘Pitik Charity’ ang social media personality na si Ian Mark Kamangkang, o mas kilala rin bilang ‘Pitik Queen,’ upang tulungan ang mga batang nangangailangan sa Lake Sebu, South Cotabato.
Sa interview ni Ian Mark sa “Toni Talks,” sinabi niyang nakita niya ang sitwasyon ng mga bata sa Lake Sebu.
“Meron akong friend, isang videographer, si Ariel. Nag-upload siya ng video kung saan pumunta siya sa pinakamalayong city doon sa amin. So nung nakita namin ang scenario. Nakita namin ang sitwasyon nila doon,” wika niya.
Ayon sa kanya, kinakailangan maglakad ng 16 na oras, umakyat ng 8 na bundok, at tumawid ng 5 ilog upang makapunta sa Lake Sebu. Dahil dito, bumuo siya ng team upang magpaabot ng tulong sa mga bata sa nasabing lugar.
“Sinabihan ko ‘yung friend ko, ’Tulungan mo ako, gusto kong magbigay ng tulong sa kanila, sa mga bata na hindi makapag-aral,’” kwento niya.
“Kaya ang ginawa ko, bumuo ako ng team. Nag-post ako sa Facebook na merong mag-volunteer na sasama sa amin,” wika niya.
Kwento niya, nakipag-coordinate din siya sa kanilang mayor upang maging safe sila sa buong duration ng outreach program.
“Delikado kasi ’yung area. Merong mga rebels. Una naming ginawa is nag-coordinate kami sa aming mayor para pagpunta namin do’n, maging safe kami,” wika niya.
Sa mga Facebook posts ni Ian Mark, makikitang nagbibigay siya ng mga hot meals at food packs sa mga bata at ilang pamilya sa Lake Sebu.
Ayon sa kanya, naging possible ang kanyang pag-give back sa community dahil sa kanyang social media engagements at mga guestings.
Kasabay nito, dahil sa kanyang pagtulong sa mga bata, nagkaroon din ng purpose ang kanyang content creation.