Nagsalita na si Alvin Aragon patungkol sa viral surprise appearance ng kanyang asawa na si Izzy Trazona sa ‘rAWnd’ 4 ng Sexbomb reunion concert na ginanap sa MOA Arena kamakailan.
Matatandaan na sa programa na ‘Fast Talk with Boy Abunda,’ nabanggit ni Izzy na nagpaalam muna siya sa kanyang asawa bago pumunta ng reunion concert.
“Nag-decide na ko na [pupunta akong concert]. Actually, nagpaalam muna ko. ‘Hon, pupunta ako sa concert’. Una, parang hindi siya okay. Tapos he prayed and… Pinag-pray niya muna and finally he said, ‘Sige, go,’” kwento ni Izzy.
Ayon naman kay Alvin, naniniwala siya na mayroong “gobyerno” pagdating sa pamilya.
“Nag-trending ’yung umakyat siya sa stage… ‘Aakyat lang sa stage, kailangan pa ipag-pray.’ Tapos sinasabi nila, paladesisyon ako, controlling ako, ako ang boss. Hindi, may gobyerno kasi sa family. The husband must take the lead. And ang leader ng husband, ang Panginoong Hesus. And Izzy, actually, nirerespeto niya ’yung leadership ng husband. Lahat ng babae dapat ganun,” wika ni Alvin sa programa na “Jigo Live” sa DWAR Abante Radyo.
Kaugnay nito, ipinaliwanag din ni Alvin kung bakit wala si Izzy sa mga naunang rounds ng concert.
“Yung ‘rAWnd’ 1, 2, 3 na concert, wala naman siya eh. Bakit? Ang sagot ng Lord do’n, sineek niya eh. ‘Lord, do you want me to accept the offer of Rochelle?’ Ang devotion niya, no talaga eh. Bakit no? Eh ‘yun ang gusto ng Lord eh,” saad niya.
“Oh, bakit ’yung ‘rAWnd’ 4, go? Ang purpose, to share the love of Jesus to the people. Kaya siya nandoon sa concert,” dagdag pa nito.
“Sinasabi nila, ‘Kaya pala wala sa concert si Izzy dahil diyan sa lalaking ’yan ah. Teka lang ah, matagal nang wala si Izzy sa Sexbomb, 2009 pa lang. Hindi pa nga ako ’yung asawa eh,” wika pa ni Alvin.
On Izzy’s resignation in Sexbomb: ’Pina-resign ng Lord’
Sa naturang programa, ibinahagi rin ni Alvin kung bakit nag-resign ni Izzy sa Sexbomb.
Aniya, nag-resign si Izzy sa Sexbomb nang mag-desisyon itong maging isang fully-devoted Christian.
“Sino ang nagpa-resign sa Sexbomb? Ang Panginoon, nu’ng naging Christian si Izzy. Pina-resign ng Lord. Sabi ni Lord kay Izzy, ’Come, follow me, I will make you fishers of men.’ Nag-obey si Izzy do’n,” pahayag ni Alvin.
Ayon kay Alvin, nag-resign si Izzy dahil sa tatlong dahilan: Pangalan ng Sexbomb, kanilang pananamit, at paraan ng kanilang pagsayaw.
“Sabi ni Izzy, ’Yung pangalan po namin, ’yung damit po namin, at ’yung sayaw namin. Ano bang mali sa pangalan? ’Sexbomb.’ Ano ba ‘yung sex? Iisipin lahat ng bata, ’Ano yung sex?’ Sex is actually created by God, na ginagamit ng ano? Husband and wives. Not girlfriend, boyfriend. At hindi dapat isipin ng bata agad ‘yun… Hindi pleasing ’yon. Hindi magandang impluwensiya sa mga maraming tao, sa mga bata especially,” paliwanag ni Alvin.
“Second, ’yung damit. May damit kasing gagalangin ka, pero may damit na kita ’yung cleavage mo at saka legs. Walang lalaking magnanasa kung maayos ka manamit. Maraming lalaki gusto makakita ng cleavage saka legs eh, kahit naka-see through ka pa,” wika niya.
“Ano pa? Sayaw. Merong wholesome na sayaw, merong sayaw na seducing. Sige, sumayaw ka ng seducing. Anong mararamdaman ng lalaki pag may sumasayaw na seducing ang atake? Pag wholesome, maayos naman eh, pero pag seducing, iba ’yung nararamdaman natin. Alam niyo ‘yan, men,” pagpapatuloy pa nito.
Kaugnay nito, pinabulaanan ni Alvin ang mga nagsasabi na siya ang dahilan kung bakit wala si Izzy sa nasabing concert.
“Matagal nang wala si Izzy [sa Sexbomb]. ‘Wag mo kong sisihin na dahil sakin kaya wala siya sa concert,” pahayag niya.
Ayon pa kay Alvin, hindi ang pagpayag sa concert ang tanging basehan upang maging isang mabuting asawa.
“Kino-compare pa ko sa asawa ni Sunshine na Vice Governor, sa asawa ng ibang Sexbomb na mabait, mabait daw sila kasi pinayagan nila yung asawa nila na mag-concert, ’yun ba basehan ng mabait na husband? Payagan lang mag-concert? Ang babaw naman no’n,” wika pa ni Alvin.