Nagbahagi si Marian Rivera patungkol sa kahalagahan ng pagiging present niya para sa kanyang mga anak, sa isang panayam ni Ogie Diaz.
Kwento ni Marian, kahit gaano siya ka-busy niya ay sinisigurado niyang magmake time para asikasuhin ang kanyang mga anak bago pumasok ang mga ito sa school.
“Minsan sinasabi niya sakin (Dingdong), example galing akong taping, uuwi ako ng alas dos, alas tres, tas gigising ako alas singko, tas nagagalit siya sakin, sabi niya sakin, ‘bat gumigising ka ng maaga?’ Para aayusin ko yung mga anak ko, papaliguan ko, hatid ko sa school, tas dalawang oras tulog ko, minsan isang oras lang, nagagalit siya sakin. Sabi niya… ‘ibigay na natin kila ate yan, magpahinga ka.’ Tapos pati si Mama ko, na parang, ‘anong feeling mo, si wonderwoman ka, parang lahat kakayanin mo? Mamaya magkasakit ka, di ka natutulog,’” wika ni Marian.
Sey pa ng aktres, kung minsan ay nakakatatlong balik siya sa school upang maihatid at masundo ang kanyang mga anak.
“Minsan nga sa isang araw, nakakatatlong [balik-balik] ako sa school, hatid ko, susunduin ko yung isa, babalik na naman ako, susunduin ko naman yung isa… Parang sinasabi ng mga parents don, ‘Ha? Ikaw talaga sumusundo? Ikaw naghahatid? Three times ka?’ May ganun ako. Tas sabi ko, ‘Oo.’ So happy ako na ginagawa ko yun sa mga anak ko, kasi hindi ko naranasan eh,” saad ni Marian.
Aniya, ito ay dahil ayaw niyang maranasan ng kanyang mga anak ang naging experience niya noong mga panahon na siya ay nag-aaral pa.
“Ayoko maranasan ng anak ko na wala ako sa school kasi ganun yung naranasan ko, si Nanay lang,’” pagpapatuloy niya.
“Kasi di ba, si mama, tyaka yung daddy ko is separated, tapos wala sila, si Nanay lang ang nag-aalaga sakin, lola ko, minsan hinahatid ako sa school, minsan ako lang, nagta-tricycle ako papuntang school,” dagdag pa niya.
Dahil dito, gusto niya umanong maramdaman ng kanyang mga anak na sila ang kanyang priority.
“Kaya hangga’t kaya ko ibigay yung time ko para sa kanila, kahit hindi ako matulog, mahatid ko sa school, mapaliguan ko, okay na ako doon… Kahit wala akong tulog, basta anything for the kids, ke program yan, ke anything yan, kailangan nandun ako, kailangan always present ako,” pahayag niya.
“Gusto ko maramdaman nila na kahit anong busy ko, sila yung priority ko. ‘Magme-make time ako para sa inyo kasi mahalaga kayo sa’kin, more than kung sino man yan.’ And of course yung asawa ko, mahalaga rin sa’kin. Asawa ko, anak ko. Alam mo yon? Sila talaga. Pero hangga’t kaya ko ibigay para sa mga anak ko, ano ba naman yung tulog. Kahit anytime pwede ako matulog eh. Pero yung moment na ihahatid ko sila sa school, hindi ko yun mare-rewind,” saad pa ng aktres.