Ini-reveal ng actress at dancer na si Rochelle Pangilinan na isa ang kanyang anak na si Shiloh sa mga dahilan kung bakit siya nag-push na magkaroon ng Sexbomb reunion concert.
Ayon kay Rochelle, fan umano si Shiloh ng P-pop girl group na BINI.
“Sa totoo lang, ’yung anak namin ang isa sa mga dahilan kung bakit isa ko sa nag-push ng concert. Kasi sobrang fan si Shiloh ng isang girl group, BINI,” kwento ni Rochelle sa interview kay Karen Davila.
“Tapos nagyabang ako. ‘You know what, nak? I’m the leader before ng isang girl group which is Sexbomb Girls.’ Sabi ng anak [ko], ‘You will never be BINI, mom,’” wika niya.
“Nanggigil talaga ko. [Nangilid] luha talaga ko. Tinawag ko si Art. ‘Bhe! Bhe! Lika dito! Sabihin mo diyan, ako leader ng Sexbomb,’” dagdag pa niya.
On the success of Sexbomb’s reunion concert
Ayon kay Rochelle, hindi umano nila in-expect na bubuhos ang suporta sa kanilang reunion concert.
“Hindi talaga [namin in-expect] kasi from the very start, wala rin namang nagtiwala samin eh. Lahat ng nangyayari, wala kaming in-expect na magiging ganito kalaki yung suporta at pagmamahal sa amin ng lahat ng pinalaki ng Sexbomb,” wika niya.
Kwento pa niya, hanggang ngayon ay tila overwhelmed pa rin sila sa suporta na kanilang natatanggap.
Pagbabahagi pa ni Rochelle, factor din ang “nostalgia” kung bakit marami ang nagpursigi na makanood ng Sexbomb reunion concert.
“Siguro dumating sila point na nostalgia kasi yung inoffer namin kaya sila nagsidatingan, gusto nilang makawala at bumalik doon sa kabataan nila kahit ilang oras lang,” pahayag niya.
Matatandaan na unang ginanap ang sold out shows ng Sexbomb noong December 4 at December 9.
Samantala, magkakaroon naman ng ‘rawnd’ 3, 4, 5 ang nasabing reunion concert na gaganapin naman sa February 6, 7, at 8 sa Mall of Asia Arena.