Nakatikim ng pang-ookray si Mocha Uson sa ibang netizens matapos niyang idepensa si Robin Padilla sa post ng veteran columnist/talent manager na si Lolit Solis.
Sa tweet kasi ni Mocha sinabi nitong: “Madam Lolit hindi niyo talaga maiintindihan dahil iniisip niyo lang ang proyekto ng mga alaga niyo po. Simple lang ang pinaglalaban ni Robin at yan ay ang mga inabusong mga empleyado ng ABS-CBN.”
Kaso maraming galit na comment kay Mocha: “Sobrang wala sa point ang argument mo, napaka irrelevant nyong dalawa, so gusto ni Robin na pantay ung sweldo nya sa kasama nya sa taping. Bakit ngayon lang sya nag ngangangawa, bakit di mo yan sinabi nung nasa toda-max ka, pati ikaw nung kinakalaladkad ka ni Bea (sa isang movie),” sabi ng isang netizen.
“Kami hindi ka namin maintindihan sa kakitiran ng utak mo. Sayang talaga bayad ng taong bayan sayo. Sobrang kapal na ng muka mo. Puro abscbn ka na lang, pero yung POGO na bilyones ang utang sa BIR hindi mo maibalita. Pati yung pastilyas na modus ng BI,” sabi naman ng isa pa.
Ginamit na attachment ni Mocha ang tweet ng Radyo Singko tungkol sa IG post ni Manay Lolit kay Robin na animo’y bulag ang aktor na sumusuntok dahil lumihis na ito sa tunay na issue na franchise renewal ng ABS-CBN at kung anu-ano na ang inungkat.
“Kaloka na ang atake ni Robin Padilla sa issue ng ABS ha Salve. Para bang lahat na lang damay na, pati mga kapwa niya artista, isinasali na,” simula ng post ni Manay Lolit sa kanyang IG account na lumabas din sa kanyang column sa Pilipino Star NGAYON.
“Ok na iyon binuksan niya iyon issue ng tent rental, iyon siguro nabalitaan niya na pagbuhos ng tubig sa natutulog na crew, pero iyon pati bankbook ng mga kapwa niya artista gusto niya ilabas, ano iyon? Parang Robin is punching blindly, sumusuntok sa kahit kanino, kahit saan, nawala na sa tunay na issue ang punto.”
“Siguro nga nasaktan siya sa sinabi ni Ethel Espiritu na Kamag-anak corporation na ginagawa niya pag may project siya, pero OK lang iyon, di ba kung mabibigyan mo ng trabaho iyon kamag-anak mo why not? Pero siguro dapat pag-isipan na ni Robin kung ano ba talaga ipinaglalaban niya, renewal, labor o ano pa?,” ang kabuuang post ni Manay Lolit na ang nire-refer na Ethel Espiritu ay production executive ng Channel 2 na sumagot sa mga emote ni Robin.
Nauna nang naghamon si Robin sa ibang kapwa niya artista na maglabas ng bank book para magkaalaman kung sino ang kumikita ng malaki. Kaso isang netizen ang nag-comment na ba’t di na lang siya tumulad kay Coco na maraming natutulungang artista na walang trabaho kesa magreklamo ng kung anu-anong laban sa dati niyang network na may problema nga ngayon sa franchise renewal.
“Sir robinhood bat di mo na lng gayahin si coco na gumawa ng teleserye or movie tumulong ka sa mga wala ngvtrabaho, nalulong sa bisyo na gusto magbago o mga api sa sweldo kuhanin mo kung si coco nagawa kasi nasakanya ang kasikatan at pagpapala kaya binabalik nya sa baktulong siguro po silak din po kayu mas marami kayung nagampanan nah.
“So alam kong magagawa mo rin na marami kang mapasaya pero ang paraan mong ganito marami ang nagtatalo at nasasaktan, walang kapayapaan, nasaan po ang makatao dun. Pasensya napo kung di mo ako maintindihan at kung hinahalintulad kita kay Coco pero mas da best at kapakipakinabang kung ang husay at galing mo ay ginamit mo sa maayos at mapayapang paraan.”
Na hindi niya natiis ay sinagot niya ang netizen na: “Napakarami ko pong pelikula na nagawa ko na ito nagkataon lang na wala akong ganang mag pelikula dahil sa nangyayari sa likod ng camera matagal na pong practice yan natutunan lang po yan ni direk coco sa mga naunang action stars siguro po mainam sabihin niyo po kay direk Coco na wag bubuhusan ng tubig yun mga crew na nakakatulog sa pagod at pagpatol sa location manager na babae. Si John Lloyd po ay isa sa mga artista ng ABSCBN na katulad ko ay ayaw na gumawa.”