Mother Kween bares pain on dealing with Lloyd Cadena’s death: ‘Wala namang nanay maka-move on’

Naging emosyonal ang content creator na si Lorita Cadena, o mas kilala bilang “Mother Kween,” matapos mapag-usapan sa “Toni Talks” ang patungkol sa death ng kanyang anak at content creator na si Lloyd Cadena. 

Sa nasabing vlog, natanong ni Toni Gonzaga si Mother Kween kung paano nag-sink-in sa kanya ang pagpanaw ng anak. 

“Nu’ng morning na ‘yon, nu’ng nasa hospital siya, [hinihintay ko] kung mag-online si Lloyd. ‘Yun lang binabantayan ko. Tapos mag-text siya sakin. So that morning, wala siyang online,” saad ni Mother Kween.

“Naramdaman ko siya, [‘yung isa kong anak], tumabi sakin. Ta’s kami lang dalawa eh. Ta’s hinipo ko siya, parang ang init niya… As a mother, alam ko na. [Naramdaman ko na wala na si Lloyd] kasi hindi naman siya magka-ganun kung walang malaking dahilan ‘di ba?” dagdag pa nito.

Aniya, halos hindi siya umano makapaniwala na pumanaw na ang kanyang anak.

“Wala ako sa sarili no’n eh. Parang ‘di ako maniwala, tapos kami lang kasing dalawa [nung isa kong anak, parang ang hirap,” saad ni Mother Kween. 

“‘Di ka makakilos. Tapos ito ako, iyak nang iyak. Hindi mo ma-explain eh, ‘yung pakiramdam mo eh. Hindi mo ma-explain ‘yung feelings, gano’n. Ang hirap,” dagdag pa nito. 

Ayon pa kay Mother Kween, noong una ay tila hindi niya umano ma-handle ang pagkawala ni Lloyd.

“Actually, parang hindi ko ma-handle. Tapos sabi ng panganay ko, ‘Ma, may iba ka pang anak.’ ‘Yung parang natauhan ako. ‘Yung gano’n,” saad ni Mother Kween.

Dagdag pa niya, walang umanong ina ang nakaka-move on sa pagkawala ng anak.

“Ang daming nagtatanong na, pa’no daw ako naka-move on. Tapos sabi ko, wala namang nanay maka-move on, ‘di ba? Hindi kasi nila naiintindihan eh, kasi ‘di sila naging nanay, ‘di ba?” paliwanag niya.

“Wala namang nanay ang maka-move forward… Nandun pa rin yun, kahit sabihin na nakikita kang tumatawa, masaya, pero yung heart mo, nandun pa rin,” wika niya.

Kwento pa ni Mother Kween, masakit man ang kanyang na-experience, hindi niya umano kinuwestiyon ang Diyos sa pagpanaw ni Lloyd.

“Hindi ko kini-question [ang Diyos], [dahil] Siya ang nakakaalam sa lahat eh, ‘di naman tayo ‘di ba?” wika niya.

“Hindi naman Niya gagawin yun kung wala Siyang magandang purpose din, ‘di ba? ‘Yung iba kini-question kung bakit ganun ganun, ako hindi. Pinaubaya ko sa Kanya lahat,” pagpapatuloy niya. 

“Alam ko naman din sigurong masaya na siya,” dagdag pa ni Mother Kween. 

Matatandaan na pumanaw si Lloyd noong September 4, 2020, dahil sa heart attack. 

Exit mobile version