Kumalap ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens ang recent Facebook post ng aktres na si Matet de Leon kung saan ikinuwento niya kung paano siya pinagtinginan sa isang supermarket at pinalipat ng lane dahil aniya’y “hindi halata” ang kanyang pagiging person with disability (PWD).
“I have bipolar disorder. I’m a PWD. Hindi halata? Kaya pala pinag titinginan ako kanina sa isang supermarket,” kwento niya sa kanyang post.
“Kinalabit pa ako ng isang babaeng yayamanin at pinapalipat ng lane. Hiyang-hiya ako. Pati sa sarili ko. Pumila kasi ako sa PWD lane. Wala akong kasunod na senior o may visible disability kaya nag-decide ako na doon na pumila. Kung saan ako dapat,” wika pa niya.
Kasabay nito, pinoint-out din ni Matet na nasanay ang karamihan sa karaniwang pagiging visible ng disability ng mga PWD.
“Ang hirap ng kalagayan naming may mental health issues na hindi nakikita ng iba.. Sanay sila na ang may mental illness, nagtutulo ng laway o nagsasalita mag-isa,” pagpapatuloy niya.
Sa comment section ng naturang post ay kanya-kanyang kwento rin ang mga netizens patungkol sa kanilang mga experiences.
“I feel you. I get hurt at times, too. I have a PWD daughter. Para kaming inaatake lagi ng mga judgmental na mata at isip, minsan sa Watson’s pag nakapila ako, I’ll get asked, kulang na lang subsob ko sa kanila ID ng anak ko. Hang in there,” sey ng isang netizen.
Kaugnay nito, tila may message naman si Matet para sa mga netizens.
“Sana sa lahat ng makakabasa nito, mag ingat. Guys, hindi madali ang malagay sa sitwasyon namin. Sana huwag nang pabigatin pa ng iba.. Sana huwag nang paabutin pa sa kailangan na naming isabit sa leeg namin mga id namin.. Kaloka,” pahayag ng aktres.
“At sa mga kagaya ko, na kaya naman magtiis ng sandali, paunahin ang matatanda at yung talagang makikita ninyong hirap nang pumila. ‘Yun lang,” payo naman nito sa mga kapwa niya PWD.